Patuloy na nagdudulot ng matinding pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon ang Tropical Depression “Isang,” na ngayon ay nasa labas na ng Ilocos Region at binabagtas ang West Philippine Sea. Kasabay nito, pinalalakas din ng southwest monsoon o habagat ang pag-ulan sa Southern Luzon, Visayas, at Mindanao.

MANILA – Ayon sa bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), namataan ang sentro ng Bagyong “Isang” 120 kilometro kanluran hilagang-kanluran ng Bacnotan, La Union. Kumikilos ito pakanluran hilagang-kanluran sa bilis na 40 kilometro kada oras, na may maximum sustained winds na 55 km/h at gustiness na umaabot sa 85 km/h.
Inaasahang magiging isang ganap na tropical storm ang “Isang” bago tuluyang lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Sabado ng umaga, August 23. Posible rin itong maging isang severe tropical storm habang papalapit sa karagatan sa timog ng Hainan, China.
Dahil sa Bagyong “Isang,” nananatili ang Signal No. 1 (malakas na hangin) sa mga sumusunod na lugar:
- Cagayan kasama ang Babuyan Islands
- Isabela
- Quirino
- Nueva Vizcaya
- Apayao
- Abra
- Kalinga
- Mountain Province
- Ifugao
- Benguet
- Ilocos Norte
- Ilocos Sur
- La Union
- Pangasinan
- Hilagang bahagi ng Nueva Ecija (Carranglan, Lupao)
Patuloy na pinapalakas ng “Isang” ang southwest monsoon, na nagdadala ng pag-ulan sa Southern Luzon, Visayas, at Mindanao. Pinapayuhan ang lahat na mag-ingat at manatiling updated sa mga susunod na bulletin mula sa PAGASA.
Narito ang heavy rainfall outlook dahil sa Bagyong “Isang”:
- Biyernes ng gabi, August 22, hanggang Sabado ng gabi, August 23:
- Heavy to intense rain (100-200 mm): Zambales
- Moderate to heavy rain (50-100 mm): Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Benguet, at Tarlac
Samantala, ang southwest monsoon ay nagdadala rin ng matinding pag-ulan sa ilang lugar sa Luzon at Visayas:
- Heavy to intense rain (100-200 mm): Bataan at Occidental Mindoro
- Moderate to heavy rain (50-100 mm): Metro Manila, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas, Marinduque, Oriental Mindoro, Romblon, Palawan, Aklan, at Antique.
Ayon sa PAGASA, ang mga sumusunod na lugar ay nakararanas ng malalakas na hangin:
- Zambales
- Bataan
- Metro Manila
- Calabarzon
- Mimaropa
- Aurora
- Camarines Norte
- Camarines Sur
- Catanduanes
- Burias Island
- Western Visayas
- Negros Island Region
- Central Visayas
- Dinagat Islands
- Southern Leyte
- Surigao del Norte
- Camiguin
Inaasahan din ang maalon na karagatan na may taas na hanggang 3 metro sa mga seaboards ng Batanes at Cagayan. Moderate seas naman sa mga seaboards ng Isabela, Ilocos Norte, at Ilocos Sur (taas na hanggang 2.5 metro), gayundin sa mga seaboards ng Aurora at Zambales, at sa western seaboards ng Bataan at Lubang Island (taas na hanggang 2 metro).
Pinapayuhan ang mga maliliit na sasakyang pandagat na huwag munang pumalaot sa mga nabanggit na karagatan.
Samantala, ang isa pang LPA sa labas ng PAR ay namataan 1,255 km silangan ng Northeastern Mindanao bandang 10 pm. Mababa ang tsansa nitong maging isang tropical depression sa susunod na 24 oras, ngunit posibleng pumasok sa PAR sa Sabado.
Ang “Isang” ang ika-siyam na tropical cyclone sa Pilipinas para sa taong 2025, at ang ika-apat para sa buwan ng Agosto, kasunod ng Tropical Depression Fabian, Typhoon Gorio (Podul), at Tropical Depression Huaning.