Piliin ang Marangal”: Pangulong Marcos, Hinikayat ang PNPA Class 2025 na Manindigan sa Tama

Piliin ang marangal, kahit walang parangal, at ang paninindigan na tama kahit walang nakakakita.

Ito ang makapangyarihang paalala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 206 na bagong graduates ng Philippine National Police Academy (PNPA) Class of 2025 na pormal na nagtapos kahapon sa isang seremonya sa Silang, Cavite.

Sa kanyang talumpati, mariing binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng integridad at paninindigan sa gitna ng mga hamon at tukso na maaaring kaharapin ng mga bagong opisyal. Binigyang-linaw niya na hindi kailanman hinihingi ng bayan ang pagiging perpekto mula sa mga alagad ng batas, ngunit kailangang madama ng taumbayan ang kanilang presensya.

“My dear officers, this country will never ask you to be perfect, but it will ask you to be present. Be there. Let our people feel your presence, feel the presence of their law enforcer, feel the presence of the law,” ayon sa Pangulo.

Binigyang-diin rin ni Marcos ang pananagutan ng mga bagong opisyal na ipakita ang kaibahan nila mula sa mga pulis na nasangkot sa kontrobersiya. Aniya, ito na ang pagkakataon upang patunayan ang kanilang katatagan at dedikasyon sa serbisyo publiko.


READ MORE ARTICLES:

“Sa gitna ng mga sitwasyong hihilahin ang inyong paniniwala sa iba’t ibang direksyon, manatiling matatag. Piliin ang tama, kahit ito’y mahirap,” panawagan pa ni Marcos.

Pinangunahan ni Police Cadet Marc Joseph L. Vitto ng Oriental Mindoro ang Sinaglawin Class of 2025 bilang class valedictorian. Siya rin ang tumanggap ng Presidential Kampilan Award, Journalism Kampilan Award, at Plaque of Merit.

Ang Sinaglawin Class ay may kabuuang 206 na graduates—168 lalaki at 38 babae—at sila ang unang batch sa kasaysayan na itatalaga agad bilang Police Lieutenants sa ilalim ng bagong implementasyon ng Republic Act 11279. Sa ilalim ng batas na ito, tuluyang nailipat ang pamamahala ng PNPA sa Philippine National Police, na siyang nagwakas sa dating sistema ng pagtalaga sa Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Sa pagtatapos ng seremonya, umaasa si Pangulong Marcos na ang Class of 2025 ang magiging simbolo ng pagbabago at tagapagtanggol ng dignidad sa hanay ng kapulisan.