Sa darating na halalan sa Mayo 12, 2025, muling magtatagisan ang mga kilalang pangalan sa politika ng Calubian, Leyte. Muling nagbabalik ang tambalan nina Doroteo Palconit bilang kandidato sa pagka-alkalde at si Gilbert Ponce bilang kanyang katuwang sa pagka-bise alkalde. Ang kanilang makakalaban ay ang kasalukuyang alkalde na si Marciano A. Batiancela Jr. at ang kasalukuyang bise alkalde na si Bing Veloso.
Hindi na bago sa mga taga-Calubian ang ganitong banggaan ng mga beteranong politiko. Sa national elections noong 2022, nagtunggali rin ang tatlo sa posisyon ng pagka-alkalde kung saan si Mayor Batiancela ang nagwagi. Ngayon, tila muling binuhay ang lumang tambalan, na umaasang masusungkit muli ang tiwala ng bayan.
READ MORE ARTICLES:
- Nagbabalik ang Tambalan: Palconit-Ponce vs. Batiancela-Veloso sa Calubian
- DND Sinisiyasat ang mga Defense Agreement na Walang Benepisyo sa Pilipinas
- Gwen Garcia, Sinuspinde ng Ombudsman Isyu sa Quarrying sa Protected Area
- COMELEC Umaapela sa DA: Ipagpaliban ang P20/kg Rice Project Hanggang Matapos ang Halalan
- Piliin ang Marangal”: Pangulong Marcos, Hinikayat ang PNPA Class 2025 na Manindigan sa Tama
Komentaryo: Sa Ilalim ng Kampanya, Ano ang Totoo?
Habang papalapit ang eleksyon, kasabay rin ang mga usapin ng bilihan ng boto—isang matagal nang isyung bumabalot sa Calubian. Marami ang nagtatanong: Nanalo ba dahil sa suporta ng tao o dahil sa perang umiikot tuwing kampanya?
Kung ang boto ay nabibili, sino nga ba ang tunay na talo? Ang mamamayan. Kapag ang boto ay naging kalakal, ang serbisyo ay nagiging negosyo. Ang mga proyektong dapat sana’y mapakinabangan ng lahat ay nauuwi sa mga bulsang kailangang “bumawi” sa ginastos noong eleksyon. Dito nagsisimula ang korapsyon.
Pagbabago at Pagmamahal ang Kailangan sa Calubian, Leyte
Sa panahong ito ng halalan, hindi pera ang dapat manaig kundi pananagutan, puso, at plataporma. Kailangang magising ang mga taga-Calubian sa katotohanang sila ang may kapangyarihan. Kung nais natin ng lider na may malasakit, integridad, at malinaw na plano para sa bayan, kailangang piliin natin ang tama—hindi ang popular, hindi ang mapera, kundi ang may tunay na pagmamahal sa bayan.
Sa huli, ang tanong ay hindi lang kung sino ang mananalo, kundi sino ang karapat-dapat. Ang boto mo ay hindi lang papel. Ito ay kinabukasan mo, ng anak mo, at ng buong Calubian.
KOMENTARYO: Calubian, Gising Na – Hindi Ito ang Bayan na Dapat Nating Tanggapin
Hindi lingid sa kaalaman ng marami na unti-unting lumulubog ang kalidad ng pamumuhay sa Calubian. Isang bayan na sana’y may potensyal na umunlad, ngunit tila napapabayaan at nalulunod sa mga suliraning tila wala nang katapusan.
Lagim ng Droga. Isa sa pinakamalaking banta sa kinabukasan ng Calubian ay ang patuloy na paglaganap ng bentahan ng shabu. Bukas ang mata ng publiko, pero tikom ang bibig ng mga dapat sanang gumagawa ng aksyon. May mga naglalakad sa gabi dala ang takot dahil alam nilang ang droga ay hindi lang ibinibenta — kundi minsan, pinoprotektahan pa ng ilang makapangyarihan. Saan ang batas? Nasaan ang lider?
Kalat at Kahiya-hiyang Kalagayan. Ang basura ay kalat sa kalsada. Ang tubig, kung hindi madumi, ay wala. Ang dating mga proyekto, iniiwan na lang na kalahati ang pagkakagawa. Para bang tinalikuran ang responsibilidad kasabay ng pag-upo sa puwesto.
Kalsadang Pangako, Pero Baku-Bako. Isa sa pinaka-kongkretong (pero sirang-sira) simbolo ng kapabayaan ay ang ating kalsada. May mga proyekto na sinimulan pero hindi nagtagal, sira na agad. Isa, dalawang linggo pa lang, butas na. Para bang sinadya para ulit-uliting pagkakitaan. Ganito ba talaga ang pamumuno? Ganito ba ang serbisyo publiko?
Panahon na Para Humingi ng Pananagutan
Hindi pwedeng tanggapin na lang natin ang ganitong kalagayan. Ang tahimik na tao ay nagiging kasabwat sa kabulukan. Kung hindi tayo magsasalita, kung hindi tayo kikilos, hindi tayo makakaasa ng pagbabago.
Mga taga-Calubian, huwag nating hayaang mabulag tayo sa campaign jingle at biglaang pamimigay tuwing halalan. Hindi ito ang sukatan ng tunay na serbisyo. Ang bayan ay hindi dapat pinapamigay sa kung sino ang may kayang gumastos, kundi sa kung sino ang may kakayahan at malasakit.
Ang Calubian ay tahanan natin. Ipaglaban natin ang kaayusan, kalinisan, at kinabukasan nito.